Friday, 20 July 2012

"Bahala Na Mauban"


 Minsan iniisip ko na hindi ko na kayang magsulat. Tila nakalimutan na ata ng aking kamay sabayan ang tiklada at galaw ng aking utak. Habang sumusubok akong magsulat para isapapel ang aking naiisip ay parang may biglaang "mental block" na laging bumabara sa aking ninanais.

Tila mas madali ata dati nung sapilitan kong kailangang gumawa ng mga akda dahil sa "school requirement". Sana isipin ng aking utak at kamay na ito ay isang school requirement para makisama naman sila. O eto na.

Noong isang linggo lamang ay nakabisita ako sa aking minamahal na bayan ng Mauban. 2007 pa nung huli akong nakapamiyesta. Miss na miss ko na ang "tiangge" na tulad ng aking "mental block" ay bumabara naman sa mga kalsada ng bayan. Para itong ahas ng mga paninda na tuloy tuloy mula doon banda sa lumang Alta na sinehan hanggang sa palengke. Pinggan, itak, damit, boxers (sando), salwal, brip at panty ay nagkalat na tila bagang "hume-hello" sa iyo tuwing ika'y dadaan. Mapapatingin ka tuloy sa iyong suot kung kailangan na ba itong palitan. Kung hindi pa naman ay ang sasabihin mo sa iyong sarili "Minsan lang naman ang pyesta kaya't bahala na, basta ako'y bibili"... Maglalakad ka proud na proud na may supot ka nang dala na ibig sabihin ay nakapamerya ka na. Sosyal ika nga. Tapos ka na sa pyesta. Sa susunod na taon na lang. 


Miss ko rin siyempe ang mga "rides" pang-karnabal na dati rati'y makikita mo banda sa may sea-wall pero ngayon ay nasa looban na ng Stella Maris. Napakalayo lakarin. Pagdating mo doon ay bubungad sa iyo ang mga magkatipan na nakapila sa "Ferris Wheel".. Maliit kesa doon sa nakasanayan natin sa Maynila, at lintik naman sa bilis ang pag-ikot. Parang gusto kang patalsikin talaga ng nagkokontrol doon sa baba. Hindi ko alam kung ito ay "ploy" lamang ng mga kabinataan para mapayapus sa kanila ang kanilang mga "chicks". Malay natin, nalagyan na pala si Manong kontroler. Pgkatapos ng ilang larong piso-piso para manalo ng baso, chichirya at tarzan na bubblegum, larga na kami pauwi. Pinagsisisihan namin ng mga kasama ko ang madugong paglalakad pabalik. Sabi na nga ba dapat ay sumakay na ako ng tricycle. Pero malapit na rin naman kaya't Hala, Bahala na.

Bahala na. Isa yan sa mga laging sinasambit doon sa amin. Minsan tuloy iniisip ko kung ito bang dalawang salitang ito na "Bahala na" ang dahilan kung bakit hindi parin magising ang iba naming mga kababayan. "Bahala na" na ang ibig sabihin ay binibigyan natin ng puwang ang "destiny" na siyang humusga sa kalalabasan ng mga bagay-bagay.

Tulad na lamang ng dinatnan kong pagpapasinaya sa public bath ng Mauban. Ginawa noong 1725 ng isang Kapitan Luis dela Cruz para dalhin ang tubig ng "Batis na Malinaw" sa bayan. Mayroon itong sinaunang daluyan ng tubig na parang isang maliit na "aqueduct" 200 metro ang layo patungo doon sa Paliguang Bayan na nagmistulang lugar ng pakikipagtalastasan ng mga sinaunang Maubanin. Dito nagkekwentuhan ang mga kababaihan ng Mauban habang sila'y naglalaba at dito din nag-aantay ang mga binata para masilayan ang kanilang mga nililigawang dalaga na akay akay ng kanilang mga ina. Kumbaga naging sentro ito ng kwentuhang bayan. Dito marahil nagsimula ang maraming balita at tsismis na bumalot sa buong kabayanan.

Sa wakas kinilala narin ng National Historical Commission ang kahalagahan ng Public Bath na ito na siyang kaisa-isang ganong klaseng istruktura noong ika-walong siglo. Ang mga sinaunang Maubanin nga naman ay masinop at malikhain dahil naisip nilang gawin ito gamit ang mga materyal na matatagpuan lamang sa paligid tulad ng bato, corales at kabibe. Maganda sanang proyekto ng Bayan ng Mauban ngunit mayroon lamang akong ilang mga katanungan at napuna.

Una. Magkano ang Ginastos para sa pagsasaayos nito?
Ikalawa. Ito ba ay pondo ng Bayan ng Mauban o ng National Historical Commission?
Ikatlo. Sino ang nag-research tungkol dito?
Ikaapat. Sino ang Contactor na naatasan na gawin ang pagrerepair na ito?
Ikalima. Ano ang plano ng ating Bayan sa Public Bath na ito?

Yan ang ilan lamang sa mga bagay na pumukaw ng aking pansin noong bisitahin ko ang Public Bath sa araw ng pagpapasinaya nito at ng sumunod na mga araw habang ako ay nasa Mauban. Ang ganitong mga pagrerestore ng mga Historically significant buildings ay mas maganda kung sinasamahan ng maayos na research. Dapat historically accurate ang mga gagawin nating renovation dito. 


Ako ay isang layas na bata. Kadarating palang namin sa Mauban ay lagi akong nag-aakit papunta sa dulo ng aming kalsada doon sa Public Bath. Nag-iikot ako doon at akala ko pa nga ay nakakapagswimming ang mga tao sa loob noong ipunan ng tubig sa gitna. Pagpasok mo palang ay bubungad na sayo ang ulo ng isang Leon, at kung hindi ako nagkakamali doon sa loob at may mga ulo naman ng tao. Nagtataka lamang ako ngayon kung bakit naging isang Ulo din ng Anghel ang nasa harapan ng istruktura. Hindi pa ganoon ka-polido ang pagkakagawa atsaka kitang kita ang kulay asul na PVC pipe na daluyan na ng tubig. Ang dating lakas ng tubig na lumalabas sa bibig ng leon ay parang "dura" na lamang ng mga naglalarong anghel sa dagat. 


Kaya ko gusto malaman ang budget na ginamit para sa pagpapaayos nito ay para makumpara ko kung tama nga naman ang inilabas na pera ng kaban ng bayan sa outcome. Kung ang pagrerepair ng Public Bath ay nasa P50 - P100,000 lamang ay maaaring okay na. Pero kung ang dineklara ditong gastusin ay aabot sa kalahati ng isang milyon pataas, aba magtataka ako. At sana'y magtaka din ang lahat ng Maubanin na makakakita dito.

Ngayon napasinayaan na natin ang Public Bath. Maganda at may dumagdag na naman tayong Historical Marker sa bayan ng Mauban. Ano na ngayon? Kinabukasan, sa mismong araw ng piyesta dumaan ako doon sa Public Bath at ito'y naka-padlock na at walang tubig na dumadaloy, Bagkus ang tubig lamang na naroon ay ang mga kakaunting naipon sa mga batyang yari sa semento na sumasalo sa mga inilalabas ng anghel. Ang proyekto bang ito ay hanggang sa pagpapasinaya lamang? Gumastos tayo ng ilang libo para sa blessing, tapos ano? Papaano nakatulong ang Pagsasaayos nito sa Bayang Mauban? Maaari bang sumalok dito ng tubig ang mga mamamayan ng libre? Maaari ba ulit maglaba dito ang mga binibini ng Mauban? Ang mga kalalakihan ba ay maaaring magsi-paligo ulit sa malamig nitong tubig pagkatapos ng mga gawa? Paano ngayon babawiin ng Mauban ang inilabas nitong pera? Kumbaga isa itong investment at dapat mayroong "Return" at "Income" sa hinaharap. Lahat ba ito ay napag-isipan na bago pa isakatuparan ang proyekto? Pinag-iisipan palang ba ngayon? O kaya'y "Bahala Na" naman ang naging tugon ng mga namuno sa proyekto. 

Dapat sana ang lahat ng pinagkaka-abalahan ng ating Bayan ay tinatawag nating "Sustainable". Dapat lahat ito ay parte ng isang malaking plano para sa Mauban. Hindi basta basta na lamang naisipan at "Bahala Na" kung ano ang kalabasan nito. Maaari po ba naming masilip ang "Marketing Plan", "Short-term" at "Long Range Plan" ng ating mga namumuno para sa Mauban? Ang tubig ba na laman ng Public Bath ay may pinanggagalingang source na sustainable o ito ba ay basta na lamang pinuno ang "reservoir" para lamang may pumatak na tubig sa pagpapasinaya? Ngayong ubos na ang ipong tubig, ano na? Pupunuin ba natin ito ulit para sa pagpapahanga sa bisita? Magkano ang gagastusin natin sa ganitong klaseng pamamaraan? Mas matipid ba in the long-run kung binuhay ko na lamang ulit ang sinaunang linya ng tubig na pinanggagalingan ng tubig? Sana lahat yan ay napag-isipan, kung hindi naman ay mukhang wala tayong patutunguhan.

Waw mahaba na. O siya, pagod na ako. teka at Walang Hanggan na. hehehe. Matapos ko pa ba ito? Madami pa naman akong gustong sabihing mga puna. Ah ewan. "Bahala Na." =)
----imax
CEBU 9:15pm
7/20/12

ay siya nga pala. Happy Fiesta Mauban!

                                ..... San Buenaventura patron ng Mauban

No comments:

Post a Comment